Ang Paanyaya at ang Aking Hintuturo

Feiern und Essen gehören zusammen... :-)

Ni Mang Omeng

Minsan ako ay nagkasakit, matinding ubo at sipon. Mga sakit na laganap tuwing patapos na ang taglamig. Wala ng niyebre, malamig na hangin na may kasamang ulan ang sumasagi sa aking mukha tuwing ako’y lumalabas ng bahay – makalanghap man lamang ng sariwang hangin at sakaling maaliw din kahit papaano gawa ng aking pagkabagot sa buong maghapong nasa kama.

Sa aking pagmumuni-muni habang nagpapagaling ay nakita ko ang isang plastik na supot na baga man ay may-kalumaan na ay hindi pa naman marupok. Ito ay aking binuksan at tumambad sa akin ang mga lumang paanyaya, “You Are Invited” ang bungad ng halos lahat ng nilalaman ng sobre. Paanyaya sa binyag ng anak ng mga bagong kakilala, at kung minsan ay kasama na rin ang paki: “Pwede ka bang mag-Ninong?“ Ganun din sa kasal- kasal ng mga dito na lamang sa Austria nagkakilala, mga penpals, o matagal ng magkarelasyon na sa Pilipinas.

Maliban sa aking asawa at hipag, wala akong kamag-anak o kakilala sa Austria noon, mahigit ng dalawampung taon na ang nakakaraan.

Ilang buwan lang ang dumaan at ang paanyaya ay parang tubig na dumadaloy sa alulod- minsan buhos, minsan patak. Paanyaya sa birthday ng anak- “Isang taon na Pare ang inaanak mo.” Di naglaon… “Pitong taon na Pare ko.”

Kung ang paanyaya ay parang tubig, ang panahon naman ay parang ilog, aagos hangang matapos. Ang paanyaya ay bahagi lamang ng agos ng panahon, paalala ng pagpapasalamat sa bawat yugto ng buhay.

Kadalasan ang mga handa noon ay sa mga bahay lamang ginaganap, lalu na’t medyo nagtitipid o isip-praktikal. Ang mga iba naman ay sa restaurant, kung may ipon o gusto lang talagang magpabongga. Bihira ang catering noon.

Sa mga handaang ito ay natuto ang karamihang magluto. Nakakahiya o nakakaumay naman kung ang timpla ay puro na lang adobo o ginisa. Hindi naman lahat ay pwedeng lagyan ng patis o bagoong. Yung iba ay nagpupumilit pa rin na ang luto ay lasang lutong-bahay pa rin. Maski adobo ay kailangan ng sukang-paombong o sukang-Iloko. Bihira pa noon ang mga nagtitinda nito, kaya natuto na ring gumamit ng apfel essig (sukang-mansanas).

Karamihan pa noon ay payat ang pangangatawan. Ngayon ay nagsipaglakihan na, maliban sa mga talagang balingkinitan na kahit anong ipakain mo ay payat pa rin.

Sa ikot ng panahon, ang mga paanyaya ay naiba- kasal ng mga anak, binyag o kumpil ng mga apo, at kung may pera o ipon, o kahit na wala, debut sa ika-18-taong kaarawan ng bunso. Nariyan na rin ang paanyaya para sa ika-25, ika-30 anibersaryo ng kasal. Kalakip sa mga imbitasyon kung minsan ay ang litrato at makikitang noon ang may gayak ay bata pa, payat, at marami pang buhok. Hotel o mga bulwagan ang kadalasang lugal ng handaan.

Kay bilis nga naman ng panahon at ang mga paanyaya ay naiiiba na rin. May tumawag sa akin at nagpaalala ng paanyaya nang ganito: „Pare, huwag mong kalimutan sa Linggo isang taon na ang kumpare mo.“

Tumingin ako sa aking hintuturo. Ito ay aking nilukot at nagpaalala noong ako’y nasa sinapupunan ng aking ina, nakalukot. Dahan-dahan kong inunat ang aking daliri na para bagang batang gumagapang, at maya-maya’y tuwid na… Mama na.
Kusa kong ibinalik ang aking hintuturo mula sa tuwid na parang kandilang nakatirik na ayos at unti-unti kong nilukot… ganyan ang buhay…kusang babalik, nag-iiba sa bawat yugto. Gayun din ang uri ng paanyaya.

 

Feedback erwünscht!